(^___^)
at kung sakaling may mga paniniwala ako na sumasalungat ng sagad sa paniniwala mo, hindi matatapos dun ang pagdidiskurso natin. dahil baka may dalawang pisngi ang katotohanan. baka pareho tayong may pinupunto. hindi kinakailangan na ang kultura ko ay maging kultura mo rin bago tayo maggalangan. isang bagay lang ang hihilingin ko sayo kung sakaling sumalungat ka. at ang paghiling na yan ay alang kinalaman sa kapakanan ko kundi sa pakinabang na pwede mong makuha sa pamamagitan ng pagpapaunlad mo ng pagkatao mo. isagad mo ang pagpapahalaga sa komunikasyon, sa diskurso, sa pagbubukas ng malawak na isip para mabigyang linaw ang mga bagay na malabo. hindi kumukupas ang saysay ng binitiwang mga salita ni socrates, ang itinuring na pinakamatalinong tao ng kanyang panahon…"hindi buhay ng tao ang buhay na hindi kinikilatis…" at ang pangingilatis ay isang mahabang proseso. hindi basta kumurap ka ay may sagot na sa mga tanong na nakabalandra sa utak mo. ang paghahanap ng sagot ay isang bagay na ikaw lang ang makakagawa maski na nga ba ang sagot ay pwedeng magmula sa iba. dahil kahit na maghain ang iba ng sagot, ikaw at ikaw pa rin ang magpapasya kung yun ba ang sagot na tumutugon sa mga tanong mo. at kung sakaling isinagad mo na ang pagtatanong at tenernuhan mo pa ng tambling ang paghahanap mo ng sagot pero ang tanging nakukuha mong sagot ay "ewan", makahalata ka na na kelangan mo nang lumubay kakatanong. pilitin mo na lang na tanggapin sa sarili mo na may mga pagkakataon na ang katotohan ay abot-tanaw lang. kahit na panginoonin mo pa ang katotohan kung talagang iilag yan ng sagad, hinding hindi mo sya mahuhuli. ang tawag dyan sa pilosopiya ay "aletheia"…ang paglubog-litaw ng katotohanan.
sa hindi maipaliwanag na dahilan, marami ang nagtataka kung baket ko pinapatulan ang friendster. marami ang nagsasabi na sinasabunutan nila ang sarili nila dahil hindi nila akalain na bibigyan ko ng panahon ang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa pamamagitan ng "lipunang" eto. at para bang bawal ako dito. haha. pag-aaral ng lipunan at ng tao ang pinakapaborito kong gawin kaya ang paglilibot ko sa modernong lipunan na eto ay hindi na dapat pang pagtakhan.
magkakaroon ng hindi iniiwasang paghahambing. kagaya ng nabanggit ko sa ilang sulok ng profile ko, "ang friendster ay isang komunidad na tumutugon sa pangarap ng lahat na maging bida…eto ay ang utopia o ang pangarap na lipunan ng bawat isa…lahat bida, lahat makapangyarihan…kapitan ka ng sarili mong profile maski na hindi ka pa dumaan sa eleksyon." pwede ring maging konsehal mo ang mga kaibigan mo at maging konsehal ka rin nila. pero sideline lang ang pagiging konsehal, alalahanin mo na me kanya-kanya kayong barangay profile na pinamamahalaan.
kung natatandaan mo pa ang kasaysayan, nong araw ay merong umalohokan, ang tagapagpalaganap ng mensahe ng kapitan…kadalasan ang panawagan ay tungkol sa magaganap na pulong sa plaza. pag di ka nagpunta, kakailanganin mong magmulta o di kayay tanggapin mo ang paratang na ala kang pakikisama. pero sa modernong pamayanan ng friendster, maski na isang dosenang beses pa magpost ng iisang announcement ang kahit sino, maski manawagan pa sya ng sagad, kung ayaw mong rumesponde ay ayaw mo lang. pwedeng magbulag-bulagan, pwedeng magbingi-bingihan ng alang matatamong parusa.
hindi maikakaila na eto ang pinakamatao at pinakamodernong komunidad na daluyan din ng tsismis. syempre kung alang sunog, alang usok o kaya pwede mo ring baliktarin, kung alang usok, alang sunog. tatanungin mo pa ba kung alin ang nauuna, sunog ba o usok. kung malaman mo ang sagot ay ano naman.
halatang halata rin kung sino ang mga mahilig magpasikat sa friendster. nakabalandra ang mga litrato na pruweba ng mga masasaya pero nakakabutas ng bulsang mga lakwatsa. mga eksena sa europe, bora o maski bartek-bartekan lang sa kanto sabay tinernuhan ng caption na "please release me, let me go…hahaha". me mga nagpapakita rin ng mga laman ng aparador, ref at kung anu-ano pa. parang handang handa silang magbahagi ng biyaya pero hindi, ipinapasilip lang. inggit ka, belat. haha.
may mga sagad din sa pagiging mapamaraan. kung ang pangalan ay nagsisimula sa letrang z, abay nauuna pa sa pila kesa sa ang pangalan ay nagsisimula sa letrang a. nakow, ayan naman pala tinadtad ng gitling at kung anupang mga characters ang simula ng pangalan. mga alang galang sa alphabetical order ang mga luka-luka. haha. at bat ako nagrereklamo? dahil ba b ang simula ng pangalan ko at nasisiko na nya si letrang a? haha. at maski magmenos ako sa gitling o maski na anong characters, isa pa rin ako sa mga unang makikita kung alang mga pasaway sa pila. haha. eh syempre makikita na ko sa dulo kung lahat ay gagamit na ng singhaba ng sampayan na puro gitling at kudlit na ikakambal sa mga pangalan nila. at bat parang kabado ako sa posibilidad na yan. haha. eh kung bakuna kaya ang pipilahan nyo, magpapasaklolo pa kaya kayo sa mga gitling at kudlit na yan. halata bang masama ang loob ko sa mga gumagamit ng gitling at kudlit. haha.
kapadong kapado ko rin kung sino ang mga hindi sumusunod sa patakaran. halatang halata yung mga handang lumambitin sa bakod maski na nga ba me nakapaskil na ‘gamitin ang gate." ang mga mensahe ay dinadala sa hirela ng mga testimonials. hi ganyan, hi ganito, maglakwatsa tayo sa bora, gale at tumambling tayo sa mga buhangin, sana wag tayong mapwing. o kaya hi ganyan, ganyan ganito, laklakan tayo sa malate, eklat eklat. o kaya nood naman tayo ng concert. hahaha. nag-uulat talaga sa mga kaganapan sa mga buhay nila. approve naman ng approve basta ganyang mga pagpapasikat. pero pag ang laman ng testi ay tungkol sa amoy bullfrog na bibig pag umaga o di kaya’y alipungang ayaw gumaling anumang pilit maski pa kaskasin ng kung anek anek o di kaya’y ang hindi sinasadyang pagkakaihi sa bedsheet maski na tapos ng mag-debut, pustahan tayo maski iulit-ulit mo pang ipadala yun, hindi maaaprubahan. parang kung lacoste ang blouse mo, gustong gusto mong ipinapakitang nakasampay, pero pag me tatak lang na carnation evap o di kaya’y mr. clean, halos takpan mo ng twalya sa sampayan pag me bisita, sukdulang sa isang linggo na sya matuyo, maski na nga ba magkaroon pa sya ng lagulamin…alam mo ang tagulamin? di ko alam kung tagulamin o tagulamig. eto yung parang mga blackheads na dumadapo sa mga damit. gets? o kaya hahayaan mo na lang sya sa sampayan sabay sabing, "kanino ba to?" nagmimistula kang umutot na naninindigan sa hindi pag-amin. nagpapanggap kang galit sa amoy na yun pero ang totoo non, sa bituka mo galing ang amoy na yun. at ang pinakamahinang magpanggap na syang inosente ang pangunahing suspek. dito palang sa simpleng bagay na eto, hindi pa tayo lumalayo, burado na ang hustisya. haha.
me mga hayok na hayok din sa PDA. yung tipong ipinatatanaw nila sa sambayanan ang detalye ng pagbubuhol ng mga kaluluwa nila. haha. at sa mga litrato, nagbubundulan ang mga ulo. o kaya naman ay hubad ang mga katawan na nasa isang kwarto sabay deny na naabot na ang langit. haha. at kung magselosan, halos ultimong libag ng bawat isa hindi pwedeng mapunta sa iba. at nagsusumigaw sa mga caption na ang mundong kinabibilangan nila ay para sa kanilang dalawa lang, wala tayong pakialam kung isang linggo palang silang magkakilala. haha. at pag naghiwalay matapos ang ilang mga linggong nag-untugan ng mga baso at nagbuhat ng sabay ng mga mabibigat na mga kubyertos, halos magnana ang mga mata kakangawngaw, halos basagin ang eardrums kakapakinig sa kantang "how do you heal a broken heart" ni chris walker o kaya "art of letting go" ni mikaila, at halos titigan lahat ng mga letra sa google tungkol sa kung paano sisikaping itakwil sa alaala ang taong kelan lang ay nagmistulang anghel sa buhay mo. at kung dati halos sa paningin mo ay tinubuan sya ng mga pakpak sa kilikili, ngayon ang tingin mo sa kanya ay may dalawang sungay na singtalim ng blade ang mga dulo. at dahil sa hindi ka makapagpigil sa pagsasambulat mo ng emosyon mo, kinukulay-kulayan mo pa ang profile mo. me paggamit ng mga simbolo para maghayag ng damdamin. meron akong nakikitang mga bungo, babaeng me luha na sumisipa ng tuyong dahon, lalakeng me hawak na puso sa palad nya, umaagos ang dugo sa braso nya habang halos yakapin nya ang mga tuhod nya, kulang na lang makakita ako ng mga imahe ng mga ataol dito sa friendster.
maraming pwedeng masaksihang kopya ng mga eksena sa friendster. tinawag ko syang kopya dahil lahat ng nandyan ay pawang duplicate lang ng tunay na eksena. at pag duplicate na lang yan, hindi sya singlinaw ng tunay na eksena. ang makikita ay ang gustong ipakita ng magpapakita. parang ngayon, eto nga bang mga letrang eto ang produkto ng pinakamalalim na pag-iisip ko o eto lang ang mga klase ng pag-iisip na gusto kong ipakita sayo. ang imahe nga ba tungkol sa pagkatao ko na nabubuo sa balintataw mo ngayon base sa mga ideyang ipinapasilip ko sayo ang tunay na ako o yan lang ang imahe na gusto kong buuin mo. ako lang ang tanging nakakaalam ng sagot at anuman ang gawin mo kung hindi ko ipapakita sayo ang sagot ay walang magaganap na pagtuklas sa katotohan. ang ipinupunto ko ay hindi mo dapat ipagluksa ang di mo pagkakaroon ng sagot sa lahat ng mga tanong mo, gaano man kahalaga ang mga yan.
marami rin akong nababasang isinisigaw ng mga tao dito sa friendster. may mga tungkol sa paghahayag ng pananampalataya, pag-ibig at kung anu-ano pa gamit ang mga iba’t ibang uri ng mga bagay(gaya ng ulap, bahaghari, bituwin, araw, at kung anek anek pa) na syang naglalarawan sa mga iniisip nila at nararamdaman. anumang emosyon ay diktado ng utak. ang sakit ay maaaring katotohanan o ilusyon lang. kaya ka nasasaktan ay dahil dinidisyunan mong masaktan. hindi ka kayang saktan ng iba ng ala kang pahintulot dahil ang mga may kakayahan lang na makasugat sa damdamin mo ay ang mga taong may bilang sa pagkatao mo. kung ayaw mo nang patuloy kang saktan ng isang tao ay ala kang unang dapat gawin kundi burahin ang halaga nya sayo. at bago mo gawin yan ay dadaan ka sa proseso ng pagtitimbang. gagamit ka ng talino sa pagpapasya. at pag meron ka pang pagdududa sa pasyang binubuo mo, nangangahulugan lang na may mga bagay pa na hindi malinaw at kailangan mo pa ng sapat na panahon para mag-isip. ang lahat ng mga bagay na nagaganap sa buhay mo ay produkto ng mga nakaraan o maaaring kasalukuyang pagpapasya. walang anumang pagpapasya para sa sarili mong buhay ang hindi dumaan sa pagbibigay mo ng sarili mong pasya. ke pinili mong magpasya o hinayaan mo ang iba na magpasya para sayo, pareho lang yan - may pakikilahok ka sa pagbuo ng pasya.
kapag inimbitahan kita na mag-usap tayo tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa akin, ang ibig sabihin non ay kinikilala ko na may kakayahan kang magbahagi ng tanglaw. sa pagkilatis ko ng mga bagay-bagay, pwedeng hindi ko makita ang gusto mong makita ko, hindi ko marinig ang nagsusumigaw na mga damdamin mo…dahil minsan ang liwanag na nanggagaling sa mga ubod ng linaw na mga bagay ay nagmimistulang liwanag ng araw na mahirap titigan…
kapag inaya kita para sabay nating paunlarin ang mga sarili natin, hindi kita inaaya dahil sa mga bagay na pansamantala…wala akong pakialam kung may potensyal na agarang magmistulang pasas ang balat mo…ala akong pakialam kung maglalaglagan ang mga ngipin mo mula sa gilagid mo at pag kumain ka ng piattos ay wasak sya dahil sa tulis ng sitsirya…wala akong pakialam kung igulong mo ang kulangot mo sa balat ko…wala akong pakialam kung ni singkong duling ay hindi mo kayang ibahagi…dahil alam ko na hindi tayo tulad ng iba…dahil alam ko na tanaw natin ang kaluluwa ng bawat isa…
ngayon sumang-ayon ka sa akin na masyadong maliwanag ang araw, mahirap titigan…at ng dahil dyan, merong naganap na pagbaba sa baitang ng pagpapakatao…merong mga paglabag sa mga karapatan…at kung sino ang may kakayahang umalalay ay syang humalik sa pagwawakas…
No comments:
Post a Comment